Wednesday, August 29, 2007

Luntiang palayan...



Hindi ko maiwasan ang hindi malungkot ng mapadaan kami sa lugar ng aking kinalakihan. Dito nahubog ang aking kaisipan, at kamulatan sa aking paligid. Nakita ko kung paano magpahalaga sa lupaing pangsakahan ang aming ama at ang kanyang kasamahan. Talagang nakakalungkot dahil unti unting nawawala ang ating yamang lupa. Sa aking paglaki namulat ako sa pagpapala ng mga magsasaka sa lupang kanilang binubungkal upang maging magandang taniman ng palay na isa sa ating pangunahing pagkain. Sa murang isip ko ay natatak na ang malaking kahalagahan ng palay na pangpungla na tiniyagang pilian upang maging maganda ang magiging bunga nito, ang lupang inaalagan at ang patubig na magiging pagkain ng tanim ng mga mgsasaka. Dati rati ay di maabot ng tanaw ang lawak ng sakahing lupa...at napakagandang pagmasdan ang luntiang suhay ng palay na tila sumasayaw sa ihip ng hangin habang ang mga ibon ay nagliliparan at animo'y nagkakantahan sa galak.
Masaya kong naalala ang aking kabataan noong naglalaro kami ng aking mga kapatid. Ang makikitid na pilapil na aming iniingatang masira dahil iyon ang nagsisilbing harang at pamigil ng daloy ng tubig. Siyang siya kami sa naglalanguyang isda na maliliit sa tubig na malinis, may kuhol, palaka na naglulundagan at mga tutubing kay ilap hulihin.
Kapag ang palay ay hinog na at malapit ng anihin, ito'y matiyaga namang binabantayan upang hindi masira ng mga ibon. Hanggang sa makita ko na lang na may mga magsasakang nagpuputol ng palay at isinasalangsang upang ihiwalay ang palay sa dayami.Ganito ang tanawin na aking nasaksihan. Ngayon ay bibihira na ang ganito. Unti unting nawawala ang mga sakahing lupa. At unti unti, ang mga bigas na ating kinakain ay mga inaangkat na sa ibayong lugar.
Hindi natin maiwasang manghinayang sa unti unting pagkawala ng ating mga minanang kalinangan sa pagsasaka. Bihira na akong makakita ng kalabaw na may araro. Bihira na ring akong makakita ng lupang sinasakahan.

Masuwerte ako at nabahagi ng kaisipan ko ang isa sa pamana ng ating mga ninuno.
Ang pagsasaka...

No comments:

Post a Comment

Please be nice... :D